my fiction: ang multo sa karerahan

A short story set at the racetrack, written in December 2007 in Filipino (mix of Tagalog and English)…

ANG MULTO SA KARERAHAN

HIGIT dalawang taon nang all-around sa production ng live horseracing coverage si Jeng. Scriptwriter, producer, director, pati host ng show, lahat, ginagawa niya. Bukod sa maliit ang budget ng production company, bihira lang din kasi ang production people na nakakaintindi sa kumplikadong mundo ng karera ng kabayo.

Si Jeng ay empleyada ng network na may hawak ng kontrata ng broadcast coverage ng makasaysayang karerahan sa gitna ng lungsod. Malawak ang lupain ng karerahan. Sa bukana, may isang office building sa kaliwa at dalawang two-story na gusali sa harapan, na itinayo noong dekada trenta. Puti ang mga ito, estilong Art Deco. Mga historical monument na nga.

Ang dalawang gusali sa harapan ay mga panooran. Sa likuran nito ay ang mga grandstands, parang bleachers, na nakatanaw sa pista. Sa main buildings, naroon ang mga viewing box o kuwarto ng mga horseowners at “big bettors” na can afford na umupa ng sarili nilang tambayan.

Sa second floor ng main building sa kaliwa, bukod sa owners’ boxes, naroon din ang mga VIP room at grand ballroom. Noong araw, dekada ’50, sabi ng lola ni Jeng, nagbo-ballroom dancing daw sila roon. Sosyal raw ang lugar na iyon. Ngunit ito ay naging biktima na ng mahabang taon at pagpapabaya. Wala nang sumasayaw doon, at hindi na ito ginagamit.

Ine-ere sa cable television ang karera, six days a week. Ang studio sa lumang karerahan ay nasa kaliwang dulo ng ballroom. Doon lagi si Jeng kapag may karera sila, dahil katabi ng studio ang control room.

Doon sila tumitira ng video production ni Jobuks, ang kanyang video editor. Marami silang kailangang gawin na pang-video support. Kasama na roon ang teasers o plugs ng mga darating na stakes races o malalaking karera; ang mga announcements ng karerahan tungkol sa bagong OTBs o off-track betting stations; mga chargen ng pangalan ng kabayo, hinete, may-ari, trainer, timbang, lahi, at iba pang impormasyon para sa mga karerista.

Kadalasan ay inaabot sila hanggang hatinggabi sa trabaho, minsan madaling -araw. Ewan kung bakit ang mga creatives tulad nila ay parang mga bampira, na mas gustong matulog sa araw at magtrabaho sa gabi.

Isang gabi, may hinahabol silang teaser ni Jobuks. Tapos na ang karera. Nakauwi na ang lahat. Pasado alas-dose na at sila lang ang natira sa tahimik na gusali.

Malamig sa loob ng control room, at sumakit na ang ulo ni Jeng sa katititig sa sumasayaw na kulay at imahe sa monitor ni Jobuks. Hawak niya ang script. “Paki-insert lang, Jo, nung footage ng karera nila Key Apo dyan sa gitna,” sabi ni Jeng. “Tapos isingit mo na yung chargen ng lineup ng stakes race sa Linggo.”

Minasahe ni Jobuks ang pumipintig na batok at tumango. “Sure, Ma’m Jeng.” Lumipad ang daliri niya sa keyboard. “Ayan, okay na. Magre-render muna ako bago ninyo ma-view.” Pumikit si Jobuks sa pagod.

Alam ni Jeng na matagal na proseso ang pagre-render. Tumayo siya at umunat. “CR muna ako,” tugon niya kay Jobuks.

Lumabas siya sa pintuan ng studio. Sa harap niya, malawak at madilim ang ballroom. Mahina ang nag-iisang bombilyang umiilaw dito. Nagtitipid kasi ang racing club sa kuryente. Naiintindihan naman ni Jeng ang rationale ng cost-cutting. Kaso naman, sambit niya sa sarili, pa’no naman ang mga nag-o-overtime na taga-broadcast?

Sinimulan niyang tahakin ang kalawakan ng ballroom papunta sa ladies’ comfort room sa kabilang dulo. Madilim talaga; mabuti nalang may pumapasok na liwanag mula sa kalsada sa mga bintana. Tuklap na ang karamihan ng wood parquet tiles sa ballroom. Nagdahan-dahan siya ng lakad; baka madapa siya.

Parang mabigat na balabal ang dilim. Habang papalakad siya, tumayo ang kanyang balahibo. Nakaramdam siya ng takot. Para bang may nagmamasid sa kanya. Nagbabantay. Nanonood. Binilisan niya ang galaw, halos tumatakbo na siya hanggang sa makarating sa banyo, binuksan ang pinto, at iniswitch ang ilaw.

Malaki ang banyo ng babae sa karerahan. Pink ang tiles na maliliit, mga one-inch square, yung uso noong araw pa. Medyo nabawasan ang takot niya dahil may ilaw na. Ngunit hindi pa rin niya matanggal ang pakiramdam ng pangamba.

Pumasok siya sa isang stall. Ginamit ang toilet. Nakapagflush na siya nang may amoy na kumiliti sa kanyang ilong.

Mabahong amoy. Parang nabubulok na karne.

Nag-freeze ang kanyang daliri sa zipper ng pantalon. Lumakas lalo ang amoy at naging mas masangsang ito. Para nang naagnas na laman at dugo. Halos masuka siya sa baho. Dali-dali niyang sinara ang kanyang pantalon. Nanlalamig na ang kanyang kamay at kumakalabog na ang puso sa takot.

Paglabas niya ng stall, wala naman siyang nakita, pero naroon pa rin ang amoy. Pinilit ni Jeng na pakalmahin ang sarili. Baka naman galing lang sa lumang drainage ang amoy.

Nag-hugas ng kamay si Jeng sa lababo, at tiningnan ang mukha sa salamin. Putlang-putla siya. Pinikit niya ang kanyang mga mata at naghilamos.

Pagbukas ng kanyang mata, pagtitig niya uli sa salamin, may matandang lalaking nakatayo sa likod niya.

Payat ito na maliit ang katawan. Inisip ni Jeng sa sarili, para siyang retired na hinete sa liit at pispis ng kanyang katawan. Naka-short sleeved polo shirt na kulay light blue at pantalon na dark blue.

Ngunit paano siya napunta roon sa iglap ng kisapmata! Sumisigaw ang buong utak ni Jeng, “Takbooo!” ngunit hindi siya makagalaw o makaimik. Hindi niya mai-alis ang tingin sa salamin sa lalaking nasa likod niya.

Nanlilisik ang mga mata nito. Galing sa kanyang katawan ang masangsang na amoy. Biglang tumulo ang dugo mula sa kanyang mata at bibig, at umungol siya. “Ikaaaaw…ikaw ang hinihintay ko…” Itinaas niya ang kanyang kamay at ipinatong sa balikat ni Jeng. Mabigat, malamig, at mabaho ang kamay. Parang galing sa ilalim ng hukay.

Doon biglang sumigaw si Jeng at tumakbo. Kumaripas siya sa kahoy na tiles ng madilim na ballroom, ngunit hinahabol siya ng masangsang na amoy at para bang may mabahong hiningang bumabalot sa kanyang leeg. Malapit na siya sa pintuan ng control room nang makaramdam ng kalabit sa balikat at parang hinihila siya sa kanyang t-shirt.

Umiiyak na si Jeng at nanlalambot na sa takot ang buong katawan. Nanginginig ang kamay nang binuksan ang pintuan ng control room, at ini-lock ito agad. Humahagulgol siyang tumakbo sa kabilang pader ng kuwarto at sumubsob soon, nagsisisigaw at nagluluha.

Gulat na gulat si Jobuks sa kaanyuan ni Jeng. “Ma’m Jeng, ano’ng nangyari?” Hinawakan niya ang kamay ni Jeng upang kumalma ito. Kinuwento ni Jeng ang nangyari, panay pa rin ang iyak at hikbi. Tiningnan nila ang kanyang balikat; sa kanyang t-shirt – ito’y may mantsa ng dugo na hugis kamay.

Nagtaka si Jeng noong hindi nagpakita ng sorpresa si Jobuks sa kuwento niya. Ang sagot lang nito sa kanya ay, “Sa susunod, sasamahan ko na kayo; hihintayin ko kayo sa labas ng CR.” Bakat sa mukha ni Jobuks na nagkaroon din siya ng parehong.karanasan.

Noong sumunod na araw nagtanong si Jeng sa mga taga-karera at nalaman na, maraming taon nang nakalipas, may matanda raw na karerista na nahuli ang batam-batang asawa na may kahalikan na trainer ng kabayo sa ladies’ CR na iyon. Sa galit niya, papatayin niya sana ang babae ngunit inatake siya sa puso at namatay rin ng oras na iyon.

Ayon sa kuwento, doon na raw sa ladies’ CR nagtigil ang kaluluwa ng matanda, hinihintay na bumalik ang kanyang taksil na asawa upang makapaghiganti rito.

Nagtirik si Jeng ng kandila sa banyo, nagdasal, at kailan man ay hindi na niya ginamit ang CR na iyon. ***

Ang orihinal na larawan ay mula rito; nilagyan ko nalang ng effects.

taste more:

2 Comments on my fiction: ang multo sa karerahan

  1. João Marques
    4 February 2008 at 5:09 am (3792 days ago)

    Hi!
    I found out your blog while trying to learn your language.

    Nice blog!

    Kisses Girl

  2. kites
    29 February 2008 at 2:07 am (3767 days ago)

    weee. mam jen medyo tinakot nyo po ako sa kwento nyo ha hehehe. galing!!!!

    parang gusto ko po ulit tuloy makita yung ballroom ng sta.ana awooooo hehehehe.

Leave a Reply